1 Pebrero 2022
Inilathala ni Melody Mendoza Aguiba
Nagpahayag si senatorial candidate Risa Hontiveros ng pagsuporta sa vision na kung tawagin ay “Pagtanaw sa 2050” na naglalayong pangarapin na ang Pilipinas ay maging isang tunay na dakilang pang-karagatang bansa.
Ang taglay nitong pulu-pulong heograpiya ay magiging pinaka-importanteng asset o kayamanang na pang-ekonomiya ng Pilipinas.
Sa isang online forum na tinawag na “Halalan Para sa Agrikultura 2022” na inorganisa ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), nagpahayag ng paniniwala si Hontiveros na higit sa anumang katangian, ang pag-hinang ng kayamanang pang-karagatan ang mag-aangat sa ekonomiya ng Pilipinas.
Ang importansya nito ay higit pa sa anumang kayamanang pan-lupa o likas na yaman.
“Naalala ko ang mga adbokasiya na naglalayong ang ating kasaysayang pang-karagatan ay dapat na ituro sa ating mamamayan. Iyan ay mahalaga sapagkat ang ating karagatan ay mas malawak kaysa sa ating kalupaan,” sabi ni Hontiveros.
“Kaya nga’t aking kinikilala kayong mga nag-balangkas ng ‘Pagtanaw sa 2050.’ Mas hinigitan pa ninyo ang ‘Ambisyon 2040,’” ayon kay Hontiveros sa online forum na pang-agrikultura.
Ang ambisyon na ito ay maaring isama na mungkahi sa lehislatura para na rin suportahan ang mga Pilipinong mangingisda at lahat ng mga Pilipinong may ipinaglalabang karapatan sa kayamanang pang-enerhiya sa West Philippine Sea, sabi ni Hontiveros.
Ang kayamanang pang-karagatan ng Pilipinas ay dapat na laging ipagmalaki maging sa lokal man na usapin o pang-daigdigan, sabi niya.
“Dapat itong malaman ng bawat isang Pilipino, ng bawat mag-aaral. Dapat isapuso ang ganito nating pagkatao. At dapat tayong mamuhay ayon sa ganito nating taglay na katangian sa rehiyonal o pang-daigdigang kalagayan,” aniya.
Ang forum na pinamunuan ng pangulo ng PCAFI na si Danilo V. Fausto ay kapwa inorganisa rin ni Alyansa Agrikultura Convenor Ernesto M. Ordonez, Pambansang Syentista na si Emil Q. Javier, Federation of Free Farmers Chairman Leonardo Q. Montemayor, at Rice Watch President Hazel Tanchuling.
Ang pangangarap sa Pagtanaw sa 2050, na pinamunuan ng National Academy of Science and Technology o NAST ng Pilipinas, ay nagsaad na ang ating industriyang pang-karagatan ay magbubunga ng $3 trillion na kita.

Ito raw ay ayon sa projection na ulat ng Overseas for Economic Cooperation and Development o OECD.
Sinabi ni Javier na ang Pagtanaw sa 2050 ang magbubunsod ng modernisasyon ng agrikultura ng Pilipinas.
At dahil dito, mahalagang maitayo ang isang Department of Fisheries. Ito ay hiwalay sa kasalukuyang Department of Agriculture kung saan napapaloob ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources bilang isang maliit na unit.
Ang tinatawag na “Blue Economy” ay ang uri ng ekonomiya na nagdudulot ng kayamanan mula sa karagatan sa paraang maka-kalikasan at sa paraang sustenable o nananatili sa pang-matagalan.
Ito ay isang hakbang tungo sa pagyaman ng ekonomiya na kinakailangan upang matutustusan ang pangangailangan ng bawat Pilipino sa hanap-buhay, kaseguruhan ng pagkain, at paglalaan ng raw material para sa mga industriya.
Kinakailangan lamang na maglaan ng puhunan para sa pangkaragataang transportasyon, turismong pang-ekonomiya, pangangalaga ng kalikasan, at maayos na pagpapatakbo ng mga pasilidad ng tubig at iba pang infrastructure.
Para sa mga Pilipinong naninirahan sa mababang baitang ng mga lugar malapit sa baybaying dagat, magkakaroon ng maraming oportunidad sa turismo.
Ito ay magbibigay ng kabuhayan sa 5.71 milyong mangggagawa sa mga resorts.
Ito rin ay magbibigay ng hanap-buhay mula sa pag-aayos ng baybaying dagat, pangingisda, at aquaculture (1.6 milyong mangggagawa).
Para sa industriya sa baybaying dagat, 300,000 na manggagawa ang magkakaroon ng hanap-buhay. Magkakaroon rin ng hanap-buhay mula sa pagpapatakbo ng pantalan, industriya ng barko at pangkaragatang transportasyon, pang-karagatang enerhiya, pagmimina ng langis sa dagat, bio-teknolohiyang pang-karagatan at parmasyutiko, at serbisyong pang-kalikasan.
Mapagsisilbihan na ng Blue Economy ang pangangailangan sa diet para sa protina ng mga Pilipino na ang kuwarentang bahagdan (40%) ay mula sa pangisdaan.
Matutustusan na ang pangangailan ng 30 milyung Pilipino na umaasa sa karagatan para sa kanilang kabuhayan.
Uusbong ang mga bagong industriya at teknolohiya mula sa Blue Economy. Kasama na rito ang bio-enerhiya sa pamamagitan ng produksyon ng algal biofuel, mga gamot, kosmetiko, pagkain, pagkain ng mga hayop, produkto ng inumin, at multi-trophic aquaculture (produksyon ng hipon, tahong, talaba, sea cucumbers, sea urchins.)
“Ang ambag ng pangkaragatang industriya sa ekonomiya ay magiging napakahalaga lalo na sa pagpapalawig ng trabaho,” ayon sa Pagtanaw sa 2050.
Noong 2010, ito ay tinataya sa $1.5 trilyon o 2.5 bahagdan (2.5%) ng pan-daigdigang gross value added (GVA). Ang pang-karagatang industriya rin ay magbibigay ng direktang hanapbuhay sa 31 milyong katao, ayon sa Pagtanaw sa 2050.
Dahil agrikultura ang pinag uusapan, sinabi rin ni Hontiveros na ang repormang agraryo ay dapat na maisa-katuparan ng lubusan.
Gayunpaman, mahalaga rin na i “cluster” ang mga lupa o malawakang pagsama-sama samahin upang makamit ang tinatawag na “economies of scale.” Ang layunin ng repormang agraryo at pag-oorganisa ng mga kalupaan ay hindi salungat sa bawat isa, ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Fausto na hindi makakamit ang economies of scale kung hiwa-hiwalay ang mga lupa sa Pilipinas.
“Dapat magkaroon ng win-win na solusyon para magwagi ang bawat isa. Ang Department of Agrarian Reform ay may proyekto na ang tawag ay ‘Split’ na pinopondohan ng World Bank. Ang isa nitong layunin ay ipamahagi ang mga lupa sa isang banda, at sa isang banda naman ay i-organisa ang mga agrarian reform beneficiaries upang lumawak ang kanilang kabuuang mga lupain bilang cluster. Ito ay magpapababa sa gastos sa produksyon ng pagkain at iba pang produktong pang-agrikultura,” sabi ni Hontiveros.
“Wag po nila gawing prublema ng agrikultura yung isang kasing-halaga na programa ng repormang agraryo. May win-win na solusyon po talaga kung ikakambal at ituturing nilang magkapatid yung dalawang programa. May iba’t ibang modelo po iyon,” ani Hontiveros.
Mahalaga na palakasin ang kapasidad ng mga agrarian reform beneficiaries, kahit sa unang award sa kanila ng lupa o kahit pa ipamana na sa kanilang mga anak ang maliliit na parsel ng lupa. Pero dapat rin na may programa talaga ang gobyerno kasama ang pribadong sektor (para sa repormang agraryo. (Melody Mendoza Aguiba)