Pinaigting — kampanya na iligtas ang nagbabantang pagkawala ng Tamaraw at ng Mt. Iglit-Baco

29 Abril 2021

Iniulat ni Melody Mendoza Aguiba

Pina-igting ng gubyerno ang kampanya upang iligtas ang Tamaraw na isang “critically endangered” na hayop na ipinangangambang mawala o maging extinct kasama na ang kanyang tirahan, ang Mt. Iglit-Baco National Park (MIBNP).

   Ang MIBNP ay isang ASEAN Heritage Site. Ang pagkasira nito ay pinangangambahan lalo na’t nabawasan ang pondo para sa kanyang preserbasyon dahil sa pandemyang Covid 19.

   Sa kabutihang palad, ipinag-patuloy ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kasama ang Biodiversity Finance Philippines (Biofin), ang programa upang i-preserba ang Tamaraw (Bubalus mindorensis). 

   Yan ay sa kabila ng paglawig ng aktibidad ng mga ilegal na paghuli at pagpatay sa hayop.  Sila ay nagsasamantala sa sitwasyon upang bihagin ang mga Tamaraw.

   Ang Tamaraw ay isang kakaibang dwarf buffalo (apat na talampakan lamang ang taas mula sa balikat).  Ito ay matatagpuan lamang sa pulo ng Mindoro.   

   Ang pag-kaunti ng populasyon ng Tamaraw ay naging kagulat-gulat simula ng mga 1990.   Isa ang Tamaraw sa labing-isa (11) na lamang na wild cattle species sa buong mundo.

   Ang Mt. Iglit-Baco naman na syang tirahan ng Tamaraw ay nakaranas rin ng matinding pagkawala ng kanyang mga puno.  Ang natitirang pangunahing kagubatan nito (primary forest) ay tinatayang kulang pa sa tatlong bahagdan (3%) ng kanyang kabuuang nasasakupan.

   “Nakakalungkot na sa ngayon, dalawampu’t tatlo (23) na lamang ang natitirang TCP (Tamaraw Conservation Program) rangers  at tatlong (3) MIBNP wardens na lamang ang nag pa-patrol sa core area na 2,500 ektarya sa loob ng 106,655 ektaryang MIBNP, “ ayon sa DENR.

   “Ang MIBNP ay nagbibigay tirahan sa natitirang 600 Tamaraw sa buong mundo,” ayon sa DENR.

Ang Tamaraw ng Mindoro. Credit– Outoftownblog.com

   Ang programang “Together for Tamaraw” ay kampanyang sinusuportahan ng United Nations Development Programme (UNDP).  Ito rin ay sinu-suportahan ng upisina ng DENR sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at ng Biodiversity Management Bureau, ahensya rin ng DENR.

   Inilagay ng International Union for the Conservation of Nature (IUCN) ang Tamaraw  sa klasipikasyon na “critically endangered species.” Ito ang pinakamataas na baitang ng pagbabanta sa populasyon ng pine-preserbang flora at fauna (mga hayop at halaman).

   Mula sa populasyon na 10,000 Tamaraw noong  1900,  ang populasyon ng buffalo na ito ay naitalang bumaba sa 120 noong 1975. Ito ay isinisisi sa ilegal na panghuhuli at pagpatay sa hayop at illegal na pangangalakal.

   Sa pamamagitan ng mga programang pang konserbasyon, ang kanyang populasyon ay tumaas sa 370 noong 1987 at sa kanyang pangkasalukuyang populasyon na 600.

   Ang nauubos na buffalo ay nakinabang sa paglawig ng kanyang populasyon nang maisama ito sa pangdaigdigang listahan ng mga critically endangered species.

   Ang mga bansang lumagda sa Convention on International Trade in Endangered Species (CITES) ng pangkagubatang fauna at flora ay nakatulong sa pagsugpo ng ilegal na pangangalakal ng Tamaraw.

   Binansagan ang Tamaraw sa pangalang “mindorensis.” Ito ay sa dahilan na likas ang kanyang pamumuhay sa mindorensis ng Pilipinas. Ang “ensis” ay buhat sa salitang Latino na nangangahulugang nabibilang ito sa pulo.

   Inihayag ng DENR  na tatlumpu’t limang (35) bansa ang tumulong sa pag-pondo ng “Together for Tamaraw” na ginawa sa pamamagitan ng  online na kampanya.

   Sa ngayon ay mayroon nang  programang pang sampung (10) taon para sa preserbasyon na tinawag na Protected Area Management Plan para sa Mt. Iglit-Baco. 

   Isinasama ng planong ito ang paglahok ng mga katutubong tao o indigenous people (IP) sa programang preserbasyon.  Isinasama na rin dito ang kultural na tradisyon ng mga IP sa pag pre-preserba ng Tamaraw.

   Bahagi na rito ay siguruhin ang karapatan ng mga IP sa kanilang ninunong lupa o ancestral domain na mga protektadong lupa ng gubyerno.  

   Pinapalakas nito ang karapatan ng mga IP na protektahan ang mga bundok at ang kanyang endangered na flora at fauna. Ito ay lumalaban sa pagra rancho ng mga bull at panghu-huli at pagpatay sa mga hayop ng kagubatan.

   “Ang natural na park ay sumasakop sa malawak na ninunong lupa ng mga Tau-buid at Buhid na likas na tribo sa lugar.  Ginagawa silang mga pangunahing taga-pakinabang o stakeholder na gumaganap sa pagde-desisyon sa pagpapatakbo ng kabundukan, “ ayon sa Global Wildlife Conservation (GWC).

   Ang Tau-buid at Buhid Indigenous People ay lumahok sa zoning, pagpa-plano ng management, at mga workshops sa Population at Habitat Viability Assessment (pagsusuri ng populasyon at tirahan ng mga Tamaraw) o PHVA. Ito ay para sa konserbasyon ng Tamaraw at MIBNP. (Melody Mendoza Aguiba)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.